Pre-pandemic level sa paliparan, inaasahang maibabalik ngayong 2023 –MIAA

Business
Pre-pandemic level sa paliparan, inaasahang maibabalik ngayong 2023 –MIAA

INAASAHAN na mababawi na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pre-pandemic level ng flights ngayong taong 2023.

Ayon sa MIAA, kung ikukumpara noong Enero 2019, mayroong higit 22k na flight at mahigit 4k na pasahero ang naitala habang mahigit 22k flights pa rin at higit 3.7k na pasahero sa NAIA Terminals ang naitala nitong Enero 2023.

Dahil dito, umaasa ang MIAA na mapanatili ang paggalaw na ito habang mas maraming bansa ang magbubukas ng kanilang mga borders, mas maraming paghihigpit ang aalisin, at mas maraming tao ang muling natutuklasan ang kanilang panibagong pagmamahal sa paglalakbay nitong nakaraang taong 2022.

Ang air travel ay bumangon nang husto, kung saan nakapagtala ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng halos 30.9 milyong pasahero, tumaas ito ng 300 porsyento mula sa 7.67 milyong pasahero nito noong 2021.

Mahigit dalawang beses na mas maraming eroplano ang lumipad at lumapag mula noong 2021, mula 104 libo tumalon ito ng hanggang 221 libo.

Nitong December 2022 nakapagtala ang MIAA ng pinakamataas na buwanang bilang ng pasahero na 1.4 milyong pasahero.

Mula nang magsimula ang pandemya, ang paliparan ay bumalik sa paghahatid ng 65% ng pre-pandemic passengers load at 82% pre-pandemic flight movements.

Iniuugnay ng MIAA ang makabuluhang pagtaas na ito sa panibagong kumpiyansa ng mga tao sa paglalakbay.

Kahit na ang mga numero ay mas mababa pa sa naitala ng ahensya noong 2019 na 47.69 milyong pasahero, nananatiling optimistiko ang MIAA na ang 2023 ay magiging mas abalang taon para sa NAIA.

Ang mga international at domestic advance booking para sa 2023 ay mabilis na lumago, ayon sa mga airline.

Related Posts